The Julian Cruz Balmaseda Award is the highest recognition KWF (Komisyon sa Wikang Filipino) offers for a unique thesis and dissertation in science, mathematics, social sciences, and other related articles using the Filipino language.
Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay ang pinakamataas na pagkilala na handog ng KWF (Komisyon sa Wikang Filipino) para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan,at iba pang kaugnay na larang gamit ang wikang Filipino.
Alam mo bang maisusulat mo sa wikang Filipino ang iyong tesis/disertasyon sa iyong pinagdadalubhasaang disiplina?
Pinagtibay ng KWF ang Kapasiyahan ng Kalupunan ng mga Komisyoner Blg. 18-25, s. 2018 na nagtatakda ng paggamit ng wikang Filipino bilang wika ng mga saliksik sa agham, matematika, at humanidades!
Alam mo bang maaari kang magwagi ng PHP100,000 sa paggamit mo ng wikang Filipino sa iyong tesis/disertasyon?
Sumali na sa KWF Gawad Julian Cruz Balmaseda!
Ukol sa Gawad
Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay ang pinakamataas na pagkilála na handog ng KWF para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan, at iba pang kaugnay na larang gamit ang wikang Filipino.
Layunin nitó na hikayatin at palaganapin, sa pamamagitan ng sistemang mga insentibo, grant, at gawad, ang pagsusulat at publikasyon sa Filipino at ibang mga wika ng Filipinas ng mga akdang orihinal, kabilang ang mga teksbuk at sangguniang materyales sa iba’t ibang disiplina.
May dalawang kategorya ang gawad: (1) tesis at (2) disertasyon. May isang magwawagi lámang sa bawat kategorya. Maaari ring walang tatanghaling magwawagi sa alinmang kategorya.
Nagsimula ang gawad noong 2015 at nakapagtala ng anim na nagwagi: Marlon S. Delupio, disertasyon sa kasaysayan (2015); Gilbert Macarandang, disertasyon sa agham pampolitika at Roman Sarmiento Jr., tesis sa kasaysayan (2016); Lovela Velasco, disertasyon sa panitikan, at Christian Javier Fajardo, tesis sa antropolohiya (2017); at Emmanuel De Leon, disertasyon sa pilosopiya (2018).
Makatatanggap ng halagang PHP100,000 (net) at isang plake ng pagkilála ang magwawagi sa mga kategorya ng naturang gawad. Lahat ng kopya ng mga lahok, nanalo man o natalo, ay hindi na ibabalik sa mga kalahok. Angkin ng KWF ang unang opsiyon na mailathala ang mga nagwaging lahok nang walang royalti sa may-akda.
Tuntunin sa Paglahok
1. Ang gawad ay bukás sa lahat ng mga estudyante sa antas gradwado (masteral at doktorado), maliban sa mga empleado ng KWF at kanilang mga kaanak.
2. Ang ilalahok na tesis at/o disertasyon ay naipagtanggol at naipasá sa mga taóng 2018 at 2019.
3. Kinakailangan itong isulat bílang kahingian sa mga kursong may kaugnayan sa agham, matematika, agham panlipunan, humanidades, at sa iba pang kaugnay na larang.
4. Kailangang orihinal na isinulat at ipinagtanggol sa Filipino ang lahok, orihinal na gawa ng may-akda, hindi pa nailalathala bílang aklat, at hindi rin salin mula sa ibang wika.
5. Marapat na gamitin ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat (MMP) bílang format sa pagsulat ng talababa, talasanggunian, at iba pa.
6. Ang lahok ay kailangang isumite nang apat (4) na limbag na kopyang makinilyado o computerized (hardcopy). Ang kopya ng mga lahok ay kinakailangang walang taglay na anumang pagkakakilanlan ng may-akda. Nangangahulugan ito ng pag-aalis ng mga preliminaryong pahina ng tesis at disertasyon na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng may-akda. Tanging pamagat ng tesis/disertasyon at sagisag-panulat lámang ang pahihintulutang nakalimbag sa MS.
7. Ang mga preliminaryong pahina ng tesis/disertasyon, gaya ng katibayan ng pagsang-ayon, tungkol sa mananaliksik o bionote, pasasalamat, pag-aalay, pahina ng grado at ebalwasyon, at iba pang katulad ay ilalakip sa isang bukod na brown envelope, kasáma ang sumusunod:
(a) curriculum vitae ng may-akda;
(b) KWF pormularyo ng paglahok;
(c) notaryadong awtentipikasyon ng lahok;
(d) notaryadong katibayan ng etikong pananaliksik (walang plahiyo) na nilagdaan ng tagapayo;
(e) rekomendasyon mula sa dalawang propesor sa kinabibilangang larangan;
(f) rekomendasyon mula sa tagapangulo ng kinabibilangang departamento;
(g) rekomendasyon mula sa dekano/a ng kinabibilangang kolehiyo; at
(h) dihital na kopya ng lahok na nása isang compact disc (CD) o universal serial bus (USB).
8. Ang dokumentong ito ay nakalagay sa isang expanding envelope na may pangalan at adres ng kalahok. Ipadadala ang mga lahok sa:
Lupon sa Gawad Julian Cruz Balmaseda
c/o Sangay ng Edukasyon at Networking (SEN)
2P Gusaling Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel,
San Miguel, Maynila 1005
9. Ang huling araw ng pagsusumite ng mga lahok ay sa 11 Oktubre 2019, 5nh. Para sa mga ipinadala sa pamamagitan ng koreo, tatanggapin lamang ng KWF ang mga lahok na nai-mail bago o sa nabanggit na petsa. (source)
I-download ang KWF Pormularyo sa Paglahok sa link na ito: